STRIPES & POLKA DOTS







Free Web Site Counter
Free Web Site Counter


Monday, October 01, 2007

Mayabang Ba Ako?

Mayabang ako.

Mayabang ako dahil ipagsisigawan ko sa mundo na kaya kong gawin ang isang bagay at sasabihin ko pang hindi ko ito sasabihin kung hindi ako siguradong kaya ko, kahit sa totoo ay di naman talaga ako sigurado.

Mayabang ako dahil hindi ako mag-aatubiling sabihin na sampung beses akong mas maganda sa girl friend mo kahit sa totoo lang ay lamang lang ako ng isang paligo. Kahit pa nga ang girlfriend mo ay may kilay at ako ay wala. Mayabang ako dahil tingin ko ang linyang "dontcha wish your girlfriend was hot like me" (Dontcha by Pussycat Dolls) at "you're way too beautiful girl, that's why it'll never work, you'll have me suicidal, suicidal, when you say it's over" (Beautiful Girl by Sean Kingston) ay tungkol at para sa akin.

Mayabang ako dahil hindi ako nagpapatalo sa debate. Kahit debateng pambarbero, hindi ako basta-basta nagpapatalo. Kapag gumawa ako ng argumento, akala mo ay napakalalim at napatagal ko nang pinaniniwalaan, pero sa totoo lang ay iniimbento ko lang ang mga sinasabi ko, at sa susunod ay taliwas na ang sasabihin ko. At kapag nabara mo ako, utang na loob mo pa sa akin na natalo mo ako at kailangang bumawi ka sa susunod. Kung hindi ay asar-talo ako at hindi kita titigilan hanggang sa yurak na ang pagkatao mo.

Mayabang ako dahil kapag nagbitaw ako ng salita, kahit ikamamatay ko ay paninindigan ko kapag pride ko na ang nakataya. Kapag sinabi kong tumigil ka sa pagmamaneho at kung hindi ay tatalon ako sa sasakyang umaandar ng mabliis, putang ina, tatalon talaga ako. At ginawa ko na yan. Kumain na rin ako ng posporo para lang panindigan ang sinasabi ko. Baka sa susunod ay apoy na ang kakainin ko. (Ops, hindi ako naghahamon, wag mo akong hahamuning kumain ng apoy!)

Mayabang ako dahil ayaw ko sa jologs, ayaw ko din naman sa konyo. Pinangangalandakan ko ang pera ko at ang kakayahan kong mag-Ingles kapag ang kaharap ko ay jologs. Pero kapag konyo na ang kaharap ko, kunwari ay pa-humble na mayaman lang ako. Sa kaibuturan ng kaluluwa ko ay gusto kong maging konyo, in and out. Hindi nga lang konyo eh, gusto ko sobrang yaman ko, at ang itatawag ko sa lahat ng tao sa paligid ko ay “masa” at kapag sinubukan mong awayin ako o saktan ako ng pisikal, ay sisigaw ako ng “masang nag-aalsa !“ o kaya ay “ethnic cleansing!”

Mayabang ako dahil nayayabangan ako sa mga taga-UP kapag mas matalino sa akin, at nayayabangan ako sa mga atenista kapag mas matalino kaysa sa akin, e mas mayaman na nga kaysa sa akin. Mayabang ako dahil nayayabangan ako sa mga lasalista na mas mayaman sa akin, at iniisip kong walang lasalistang mas matalino sa akin. Mayabang ako dahil sa proud na proud ako kunwarii na taga-UP ako, pero tuwang-tuwa naman ako pag napagkakamalan akong atenista. Mayabang ako dahil naininiwala ako at pinagsasabi ko sa mga tao na kaya kong mag-summa cum laude sa UP at mag-top sa BAR kung gugustuhin ko, ang kaso lang ay wala akong disiplina. Kaya madalas ay nagpapanggap akong walang disiplina, pero sa totoo lang ay nag-aaral ako ng mabuti kapag walang taong nakakakita.

Mayabang ako dahil gusto ko nirerespeto ang mga paniniwala ko, pero bastos ako sa paniniwala ng ibang tao. Mayabang ako dahil nanlalait ako ng ibang tao sa mga bagay na ginagawa ko din naman, at nagtatago ako sa likod ng mga katagang: "hindi naman sa pagmamayabang" o kaya ay "hindi naman sa pagmamalinis." Sa totoo lang ay nagyayabang talaga ako. Mayabang ako dahil papahiyain kita para lang makapagpatawa ako ng mga tao at sikat ako. Mayabang ako dahil wala akong pakialam kung malungkot ka habang buhay, kung yun ba ang kinakailangan para maging masaya ako ng isang saglit. Mayabang ako dahil sarili ko lang ang iniisip ko, yan ang pangunahin kong konsiderasyon sa lahat ng bagay.

Mayabang ako dahil ayaw na ayaw ko na masaya ang ibang tao at ako ay hindi. At kapag ako ang masaya at ang iba ay hindi, lalo pa akong sasaya dahil nga sa ako ang masaya at ang iba ay hindi. Mayabang ako dahil naniniwala ako na ako lang ang may karapatan maging masaya palagi, hinding-hindi ko ku-kuwestiyunin yon. Pero kapag ako ang nalungkot, hindi ko yun tinatanggap. Kelangan lahat ng tao ako, ako, ako, at ang problema ko lang ang pag-uusapan. Kung hindi ay dadamdamin ko yon.

Ngunit, hindi ako mayabang pagdating sa pag-ibig. Sa pag-ibig ay pantay-pantay tayo at walang madaya. Walang pride pride. Ang manalo ay masaya, ang matalo ay dapat magdusa sa isang tabi. Kahit ako pa ang magdurusa.

Sa totoo lang ay hindi ako mayabang. Baka ikaw pa nga ang mayabang. Mayabang ka kapag habang binabasa mo ito ay iniisip mong mayabang nga talaga ako at ni hindi ka man lamang tinamaan ng kahit konti. Kapag hindi mo man lamang naisip na ginagawa mo din minsan ang mga bagay na ginagawa ko. Na baka may kakaibang yabang ka din. Ang mabuti pa ay umamin ka na lang kagaya ko. Para hindi ka mayabang.

Sa lahat ng nayayabangan sa akin, alabchu! Kasi malay mo, insecure lang ako kaya ako mayabang. Pwede naman. O baka naman ikaw ang insecure sa akin dahil ako ay maganda, matalino, mayaman, at higit sa lahat ay humble.

Ayos ba tayo dyan?

Labels:


Posted by xam :: Monday, October 01, 2007 :: 5 Comments:

Post a Comment

---------------------------------------